Botchong’s Weblog

Just another WordPress.com weblog

Musmos na Tinig

                     

                           Hindi namin ninais na mabuhay. Hindi namin hinangad na mapabilang dito sa daigdig. Nagising na lamang kami isang araw  na  kabahagi na ng mundong pareho nating  ginagalawan. Wala kaming karapatan na mamili kung saan at anong uri ng pamilya ang gusto naming mapuntahan. Para sa amin isang malaking kaganapan ang mabigyan ng pagkakataon na maisilang, mabigyan ng pangalan at maging isang ganap na tao tulad ninyo.

               

                        Sa mundong ginagalawan, kami ang tunay na nagiging biktima nang pang aabuso ng nakararami. Kami ang madalas na nasasaktan at naaapektuhan sa mga kaganapang  kailanman ay hindi namin hinangad na maranasan dahil sa aming kawalan ng kamalayan. Wala kaming kaalam- alam sa mga kaguluhang nangyayari sa ating kapaligiran ngunit bakit kami ang dapat na magbayad at pumasan sa mga kasalanang hndi naman kami ang gumawa. Masyadong malalim na ang sugat na idinulot nito sa aming pagkatao. Manhid na ang aming mga katawan  sa napakaraming  hagupit ng karahasan na patuloy na dumadampi sa aming mga kaisipan. Ngunit patuloy kayong nagbubulag-bulagan at nagbibingi-bingihan sa tunay na kalagayan ng mga munting nilalang ng daigdig.

            Subukan ninyong idilat ang inyong mga mata. Hindi man kaaya-aya sa inyong paningin na makita kaming  umaakyat sa mga pamapasaherong sasakyan para mamalimos,  magbenta ng mga basahan, sampagita , diyaryo , at makipag patintero sa mga dumaraang sasakyan na maaaring magdulot sa amin ng kapahamakan at maging mitsa  ng aming buhay.  Ngunit kailangan naming gawin ito dahil tulad ninyo, kami rin ay nangangailangan ng pagkain para mabuhay. Tinitiis namin ang mabahong amoy ng mga basura para makahanap nang mapakikinabangan at mapagkakakitaan kahit alam namin na ito ay lubhang mapanganib sa aming kalusugan.Mas nanaisin pa naming magbabad sa nakasusukang mala bundok na basura kaysa sa mamatay na dilat ang aming mga mata sanhi ng kagutuman at kahirapan. Takot ang aming nararamdaman at minsan sakit sa katawan ang aming nararanasan sa mga taong ginagawa kaming kasangkapan para  sila’y kumita. Sa bawat hampas ng sinturon, sa bawat malalakas na suntok na dumadapo sa aming katawan, ano ba ang laban ng mga munting paslit sa mga malalakas na nilalang na tulad ninyo. Hindi namin pinangarap na maranasan ang lahat ng ito, subalit huwag ninyong ikaila na kayo ang dahilan kung bakit kami ay nasasadlak sa ganitong uri ng pamumuhay.Kami ang tunay na biktima ng lahat ng karahasan na itinanim ninyo sa daigdig.

             Kami man ay maituturing na mga munting nilalang sa daigdig,  mahina sa paningin ng nakararami ngunit hindi batayan ito upang kami ay pagkaitan ng karapatan na naayon para sa amin.Hindi dapat abusuhin bagkus dapat ay bigyan ng kalayaang makapamuhay nang wasto at iparamdam na kami rin ay kabahagi at kabilang sa iisang mundong ating kinabibilangan. Musmos man kami ngunit sa pinagsama sama naming tinig kaya naming panibaguhin ang mundo kung matututo lamang ang bawat isa na makinig sa aming mga hinanaing. Kailan kaya muling ngingiti at maririnig ang masasayang awit ng mga bata sa isang mundong pinapangarap ng lahat?Kailan mababanaag ang tunay na pantay- pantay na karapatan lalot higit sa mga musmos na nilalang?.Kung matututo lamang kayong makinig sa amin, kung mabibigyan lamang ng pansin ang aming hinanaing… sa aming mga musmos na tinig magkakaroon ng kaganapan ang lahat.              

Pebrero 11, 2008 Ipinaskil ni botchong | Uncategorized | | Mga Puna

Awit ng Isang Ina…

 

       ” Ang awit ng isang ina ay hindi magiging ganap na musika kung hindi tayo sasabay sa kanilang himig”.

                      Simulan mong pakinggan ang kaibuturan ng iyong puso.May naririnig ka ba? Bigyang laya ang bawat pagtibok nito at maririnig ang malamyos na himig na may kaugnayan sa ating pagkatao.Isang awit na punong- puno ng pag-ibig na nagmumula…SA AWIT NG ISANG INA. May lambing, banayad at tigib nang makukulay na pangarap ng isang ina para sa kanyang anak na tinatangi.Bawat himig ay mayroong kurot sa damdamin na sumasalamin sa buhay at pag-ibig ng isang ina.Damhin mo ang bawat kataga mg kanilang awitin. Isaisip, isapuso at kung maaari ay sumabay sa kanilang himig sapagkat ito’y hindi magiging ganap na musika kung hindi makikiisa sa kanila. Ililipad ka ng kanilang awitin sa iyong pangarap at ipapakita sa iyo ang tunay kagandahan ng buhay. Ang awit ng isang ina ay sumasabay sa agos ng buhay. Panahon ng kasiyahan, kalungkutan at kabiguan. Magkaiba man ng panahon, ito’y hindi nangangahulugan upang sila ay tumigil sa pag-awit.Sila’y magpapatuloy sapagkat ang lahat ng iyan ay bahagi ng mga titik ng kanilang awitin. Ngunit sa likod nito nakatago ang takot at pangamba ng isang ina.Kapag humiwalay sa himig ng kanilang awitin, ito’y nagiging ingay sa pandinig na magiging dahilan upang malihis at maligaw ang anak.sa panahon ng pagdadalamhati patuloy na maririnig ang awit saan mang dako. Hindi titigil upang muling marinig nang napahiwalay na anak ang kanyang himig at dala ang panalangin na sanay muling sumabay sa AWIT NG ISANG INA…

            

     

Pebrero 11, 2008 Ipinaskil ni botchong | Uncategorized | | Mga Puna

Manunulat at Buhay

                  Nagsisimula na naman akong magsulat. Maraming mga bagay na pumapasok sa aking isipan ngunit katulad ng mga nauna kong karanasan, di ko alam kung paano at saan magsisimula.Kapag naumpisahan bigla na lamang malilihis ang pansin sa ibang bagay na wala naming kaugnayan sa isinusulat o sa mensahe na nais maiparating sa mga mambabasa. Hihinto na naman at muling paliliparin ang diwa upang makakuha nang angkop sa ginagawa.May mga pangyayari na kahit isang titik ay hindi magawang maisulat dahilan sa kawalan ng ideya. Minsan kapag ganado sa pagsulat bigla na lamang matitigil dahil sa samu’t saring ingay na naririnig. Kasama ang pangungulit ng mga tao sa paligid, biglaang tunog ng “cellphone’’, tawag ng kapitbahay para humingi lamang ng asin o asukal. Ngunit ang masaklap nito maraming hindi interesadong magbasa ng iyong sinulat. Di mo alam kung hindi marunong magbasa o tinatamad basahin lalo na kapag napakahaba, pipintasan pa ang naisulat mo. Nakatatawa di ba? pero bahagi at kasama ito nang mga mahihilig magsulat tulad ko.

                Marahil nagtataka ang iba kung bakit pinag aaksayahan ng oras ang pagsusulat. Noong una hindi ko alam na biniyayaan ako ng ganitong uri ng talento. Di ko naman hilig ito.Bigla na lamang nagising isang araw na nakaupo hawak ang papel at lapis at nagsisimulang isulat ang aking mga nasasaloobin. Buti nga ngayon may “computer” na, dati napakaraming papel ang nauubos sa isang artikulo lamang . Noong una tinatanong ko rin ang sarili kung ano ba mapapalala sa kasusulat.Hindi mo pala malalamn ang sagot sa tanong hanggat hindi mo sisimulang pumasok sa mundo ng manunulat.                 Ang pagsusulat ay hindi maaaring ihiwalay sa buhay ng isang tao. Sapagkat lahat ay manunulat sa sarili nilang karanasan.Tulad ng lahat ng mga nababasa ninyo, ito ay mayroong simula at wakas.Ang buhay ng tao ay mayroon ding simula at hangganan. Kung paano sinisimulan at winawakasan ng may akda ang kanyang panulat, ganun din ang bawat tao. Sinisimulan niyang tuklasin ang kanyang pagkatao sa pamamagitan ng mga karanasang magpapatibay sa kanya. At ang magiging wakas nito ay nakasalalay din sa kanyang kagustuhan. Maaring maging masaya, malungkot at maaaring humantong sa kabiguan ang kahihinatnan ng wakas ng kaniyang kuwento.  Bilang manunulat, pinakikinggan niya hindi lamang kanyang saloobin maging ang damdamin ng ibang tao upang lubos niyang makita sa kanyang isipan ang kabuuan at maging makatotohanan ang kanyang isusulat. Maingat niyang pinag aaralan ang mga katagang isinusulat upang maging masarap sa panlasa ng mga mambabasa. Ang tao bagamat may sariling pananaw ukol sa mga bagay na may kinalaman sa kanya ay hindi magiging ganap ang pagkatao kung padidikta lamang sa kung ano ang sinasabi ng kanyang kalooban. Mahalagang pakinggan din ang sinasabi ng iba tungkol sa kanyang sarili upang lalo niyang masalamin ang kanyang katauhan. Maging maingat sa paggamit ng mga salita upang hindi makapanakit at humantong sa hindi magandang pagkakaunawaan.                        

               Walang pinakamahalagng nasusulat sa mundo kundi ang kaniya- kaniyang kuwento ng buhay. Mas maganda pa kaysa sa mga napapanood sa telebisyon na mga telenobela at palabas sa pelikula.At walang pinakamahusay na manunulat kundi tayong lahat. Tayong lahat na may kanya-kanyang kuwento ng buhay, tayong lahat na nagsimula sa wala, tayong lahat na nakaranas  kung paano mangapa ,matakot,maging masaya, malungkot, umiyak , at makaranas ng kabiguan sa buhay. Ang lahat ng iyan ang siyang nilalaman ng istorya ng ating buhay. Anuman ang magiging wakas nito tayo lang ang nakakaalam sapagkat tayo ang manunulat ng ating sariling kuwento ng buhay.

Pebrero 11, 2008 Ipinaskil ni botchong | Uncategorized | | Mga Puna

Damdamin Ng Magulang, PAKINGGAN

2239405468             Noong ika’y sanggol pa lamang, halos gabi- gabi kami napupuyat sa kababantay sa iyo . Kahit gusto na naming matulog dahil sa sobrang pagod sa buong maghapon, hindi namin magawa kasi maya- maya umiiyak ka. Alam mo ba anak na sa bawat pag iyak mo, ikinakalong ka namin at idinuduyan sa aming mga bisig. Walang sawa ka naming pinagmamasdan at hinahaplos ang maamo mong mukha. Ang sarap pala ng pakiramdam ng isang magulang.              

                Ngayon ikaw naman ang napupuyat sa amin. Maya- maya kasi nagigising ka kapag naririnig mo ang bawat pagtawag namin sa iyo. Pasensya ka na anak at talagang hindi na naming kayang tumayo dulot na rin marahil ng aming katandaan. Kahit bakas sa iyong mukha ang pagkainis at kahit nararamdaman namin na nandidiri ka dahil sa aming amoy , kung makakaya lamang ba namin na hindi ka na istorbuhin sa iyong pagtulog ay gagawin namin kaso sadyang mahina na talaga kami. Alam mo anak habang inaalalayan mo kami pinagmamasdan ka namin. Nakatutuwang isipin na sa paglipas ng mahabang panahon napagsumikapan ka naming palakihin at alagaan. Sana naman anak pagtiyagaan mo kaming alalayan at alagaan kahit sa maikling panahon man lamang.             

             Noong nagsisimula ka pa lamang magsalita, kahit hndi namin maintindihan ang iyong sinasabi , pinipilit naming mapakinggan ang iyong tinig kahit pautal-utal. Para sa amin walang kasing ganda ang tinig mo sa lahat, parang isang musika sa aming pandinig. Kahit paulit-ulit hindi nakasasawang pakinggan.              

              Huwag mo naman sana kaming sigawan at pagalitan dahil lamang sa pagiging maramdamin o kaya dahil sa nagiging masungit kami . Ganyan lang talaga kapag nag kakaedad na, nagiging makulit parang isang bata. Nais lang kasi namin na mapansin mo kami at kahit paano maramdaman namin na may silbi pa rin kami sa kabila ng aming katandaan.              

               Noong bata ka pa lahat ng makita mo gusto mong makuha, laruan, pagkain, damit, at ibang uri ng kagamitan . Bawat utos mo pinipilit naming ibigay para maging masaya ka lamang. Kaya nga puspusan kami sa paghahanap-buhay para mabili lahat ng iyong pangangailangan. Hindi namin iniinda ang hirap at pagod. Ganun pala kapag magulang uunahin ang pangangailangan ng anak bago ang kanyang sarili.

           

             Minsan narinig namin na nagrereklamo ka na sa mga gastusin dito sa bahay. Kung may pera lamang kami hindi na sana kami magiging pabigat sa iyo . Pagpasensyahan muna anak at pati ang pambili ng gamot ay inaasa namin sa iyo. Huwag kang mag alala at kaunting sandali na lamang ang aming itatagal rito. Kapag dumating ang araw na iyon, mabubunutan ka na rin ng tinik at hindi na kami magiging pabigat sa iyo.

           

                Natatandaan mo ba noong ikaw ay nag aaral pa, pagkagaling sa paaralan tatakbo ka sa amin para magkwento. Kahit marami kaming ginagawa humihinto kami para makinig sa iyo. Tuwang tuwa kami habang ikaw ay nagsasalaysay ng iyong mga karanasan. Alam mo anak nawawala ang pagod namin kapag nakikita kang masaya.

          

             Umaasa kami na darating ang raw na tatakbo kang muli papalapit sa amin at magsisimulang magsalaysay ng iyong mga karanasan. Bata ka pa kasi noong huli tayong mag kwentuhan. Naiintindihan naman namin dahil busy ka sa trabaho.Pero sana anak, kahit man lamang kaunting oras bigyan mo naman kami ng panahon. Sabik na sabik na kaming marinig ang mga kuwento mo. Minsan kapag nakaupo kang mag isa , gusto ka sana naming lapitan kaso kapag alam mong papalapit na kami sa iyo bigla kang umaalis . Alam mo anak hindi lang namin pinakikita sa iyo pero lubos kaming nasasaktan kapag binabalewala mo kami.

            

               Anak, malapit ng dumating ang takipsilim ng aming buhay. Sana habang may panahon pa kahit sa kahuli- hulihang sandali iparamdam mo naman sa amin na kahit paano minahal mo rin kami gaya ng pagmamahal namin sa iyo. Hayaan mo anak sa oras na sumapit ang aming kamatayan, ibubulong namin sa Poong Maykapal na ikaw ay gabayan sa lahat ng oras.

Pebrero 11, 2008 Ipinaskil ni botchong | Uncategorized | | Mga Puna

Lumingon kang Muli….

           Napapagod ka na ba at bigla kang tumigil sa iyong tinatahak? . Basang basa na ng pawis ang iyong katawan sanhi marahil ng mahaba-habang paglalakbay.Natigilan ka. Naramdaman mo ang panginginig ng iyong kalamnan dulot ng takot, hinagpis at pag aalinlangan. Susuko ka na ba? kakayanin mo pa bang ipagpatuloy ang nasimulan mong pakikibaka.                    

                     Naramdaman mo ang takot. Gusto mong umiyak ngunit said na said na ang mga luha sa iyong mga mata.Pinipilit mong sumigaw at ibuhos ang lahat ng iyong mga hinanaing ngunit paos na ang tinig mo sa sanhi ng maraming tanong na hanggang ngayon ay hinahanapan ng kasagutan.Naguguluhan ka. Bigla kang napaupo sa isang tabi animo’y isang batang paslit na iniwan ng kanyang ina. Madilim ang paligid na nababalot ng katahimikan. Ngunit naririnig mo pa rin ang mga bulong na dumadagundong sa iyong pandinig. Nabibingi ka na. Gusto mo ng matigil ang walang katapusang awit ng pagdadalamhati.

                Sa dibdib nandoon ang kaba. Nanghihina ka na.  Nakatawag-pansin ang iyong mga paa na puno ng sugat dulot marahil ng mahabang paglalakbay. Naramdaman mo ang hapdi. Sa kabila nito’y pinilit mong tumayo.  Naisipan mong Lumingon sa di malamang kadahilanan. Malayo- layo na rin pala ang iyong  nalakbay.Bigla kang natigilan. Sa isang iglap na paglingon, bumalik sa iyong diwa ang nakaraan. Mga karanasan na naging bahagi ng iyong kahapon ngunit  nagsisilbing buhay sa iyong alaala.

                       Lumingon kang muli. Sa pagkakataong ito sumilay ang ngiti sa iyong labi. Naisip mo di ka pala nag iisa sa iyong paglalakbay.Ang mga karanasang dulot ng kahapon ang siya palang anino mo sa paglalakbay.Naging Kasama mo at nagsilbing gabay upang maipagpatuloy ang hamon ng buhay. Mga karanasang nagpatibay sa iyong pagkatao.Ang mga sugat sa iyong paa ay hindi pala dulot ng kahinaan. Ito pala ay simbolo ng katatagan sa pakikibaka. Sa isang sulyap na paglingon sa nakaraan, Iyon pala ang magiging lakas mo para magpatuloy pa sa iyong tinatahak. Unti unti kang humakbang  tanda ng panibagong simula ng pakikibaka. Maglalakbay kang muli hanggat hindi natatapos ang lahat. Sa bawat hakbang katumbas nito ay pag-asa. Sa sandaling nakaramdam ka muli ng pagod. Hihinto ka at LILINGON MULI….

Pebrero 11, 2008 Ipinaskil ni botchong | Uncategorized | | No Comments Yet

LAST TRIP

  Isang umaga habang lulan ng isang pampasaherong sasakyan pauwi sa aking tinitirahan, nakatawag- pansin sa akin ang isang kabataan na nakaupo sa kabilang dulo ng dyip. 154577362_2 Pinagmasdan ko ang kanyang mukha, hindi ako maaring magkamali kilala ko ang taong iyon. Binasag ng katahimikan ang pagtawag niya sa aking pangalan. At doon ko napagtanto na hndi lamang sa kakilala ko ang kabataang ito bagkus isang kanto lang ang layo ng kanilang bahay sa amin. Sino ba ang hindi makakakilala sa kanya, isa sya sa mga lider ng isang “ fraternity” sa aming lugar na binubuo ng halos kapwa niya kabataan. Lagi silang laman ng aming barangay dahil sa ibat ibang kaguluhang kinasasangkutan ng kanilang grupo. Maliban doon, madalas silang nakikita na nasa isang madilim na sulok upang tumikim ng pinagbabawal na gamot.

                        Sa mga sandaling iyon, nakita ko na maayos ang kanyang pananamit at hindi mo aakalain na siya yung kabataang aking tinutukoy. Habang lulan ng sasakyan, nakipag kwentuhan ako sa kanya at doon ko nalaman na inaayos nya ang kanyang ibang mga dokumento upang makapasok sa kursong bokasyunal na pinamamahalaan ng mga paring salesyano sa aming parokya. Nakita ko sa kanyang mga mata ang sinseridad kung kaya’t hindi na ako nagdalawang isip upang tulungan ang kabataang ito. Bumaba kami sa simbahan at hinanap namin ang kaibigan kong pari upang matulungan siyang makapasok sa “ training center”. Laking pasasalamat ko nang malugod siyang tinanggap. Sa unang pagkakataon nakita kong sumilay ang ngiti sa kanyang labi tanda marahil ng kasiyahan na kanyang nararamdaman sa mga oras na iyon. Bago kami maghiwalay, sinabihan ko ang kabataang ito na pupunta ako kinabukasan sa kanilang tirahan upang kausapin ang kanyang magulang.

                       Kinabukasan tulad ng aking naipangako sa kanya, pinuntahan ko siya sa kanilang bahay upang magkaroon ng pagkakataon na makausap ang kanyang mga magulang. Nang malapit na ako sa kanilang tinitirahan, nakita ko ang maraming tao at habang papalapit natuklasan ko na mayroong nakaburol sa kanila. Inisip ko marahil baka kamag- anak lamang niya iyon. Ngunit laking gulat ko nang makita na siya pala ang   pinaglalamayan. Habang pinagmamasdan siya hindi ko namalayan na unti -unti na palang dumadaloy ang luha sa aking mga mata. Nalaman ko sa kanyang mga magulang na siya ay pinatay sa pamamagitan ng saksak sa leeg at sa tagiliran ng isa sa mga kasamahan niya sa fraternity noong araw ding iyon matapos ang aming pagkikita. Lubos akong nanghinayang sa kinahinatnan ng nangyari sa kabataang ito dahil kung kailan niya gustong ayusin ang kanyang buhay, hindi man lamang siya nabigyan ng pagkakataon.

                         Maikling panahon lamang ang itatagal natin dito sa mundo. Kung kaya’t marapat lamang na bawat oras bigyan natin ito ng saysay at kulay. Ang pagbibigay halaga sa buhay ay hindi dapat simulan kung kailan malapit ng dumating ang ating kamatayan bagkus habang bata pa simulan nang mahalin at ingatan ang buhay na ipinahiram sa atin ng Maykapal. Walang sinuman ang nakaaalam kung kailan matatapos ang ating paninirahan sa daigdig. Katulad ng kabataang nakasakay ko sa pampasaherong sasakyan, wala siyang kamalay- malay na ito na pala ang kanyang magiging LAST TRIP.

Pebrero 11, 2008 Ipinaskil ni botchong | Uncategorized | , | Mga Puna

Hiwaga

                 Napakabilis ng panahon hindi natin namamalayan na marami na palang nagbago.Parang kailan lang sariwa pa sa aking alaala ang mga karanasan ng aking kamusmusan. Kapag bumalik sa aking diwa ang nakaraan, hindi ko maiwasang ngumiti. Kung maibabalik lamang ba ang panahon , mas pipiliin ko na lang na  manatiling musmos habang panahon. Masarap kasi ang maging isang bata, walang ginawa kundi maglaro, kumain at matulog. Naalala ko pa dati mahilig kaming maglaro ng tumbang preso ng mga kababata ko, naiinis nga ako lagi akong balagong pero kapag habulan naman hindi nila ako mahuli-huli, ang bilis ko kayang tumakbo at magtago para hindi nila ako makita. Matitigil lamang iyon sa isang tawag ng aking ina para kumain . Bago ako matulog aking  hinihiling  at dinarasal na  huwag ng umikot ang mundo para laging masaya.

                       Ngunit sadyang ganun talaga ang buhay, ang lahat ay nagbabago. Dati ang alam ko lang kung bakit umiiyak at masaktan ang isang tao ay dahil sa mga palo na natatanggap buhat sa kanilang  mga magulang. Ngunit sa paglipas ng panahon, natuklasan  ko na na mas may masakit pa pala kaysa sa mga latay na natatangap ko buhat sa kanila. Mas matindi pa pala ang sakit na naidudulot ng kabiguan at mga pagkakamali sa mga desisyon na aking binibitawan. Kapag dumarating ang sandaling iyon, kung maaari lamang muling  tumakbo at magtago tulad ng ginagawa ko noong ako ay musmos pa lamang ay gagawin ko ngunit gaya ng sinabi ko hindi na ako bata upang gawin ang lahat ng iyon. Tapos na ang dahon ng aking kamusmusan, ako ngayon ay humaharap sa mas mabigat at malaking responsibilidad na hahamon sa panibagong yugto ng aking buhay. 

                 Habang sinisimulang harapin ang bagong pahina ng aking buhay , unti unti kong nauunawaan  ang sinasabing hiwagang hatid nito. Na sa kabila ng mga kabiguan at pagkakamaling nararanasan hindi  pa rin tumitigil sa pag-ikot ang buhay. Pinapanday nito ang ating pagkatao upang maging matatag tayo sa  pagharap sa mga kabiguan at binibigyan nang lakas upang muling bumangon sa bawat pagkakadapa.Noong una kapag ako ay nasa gitna ng pagsubok pilit kong tinatakasan ito ngunit para itong anino na ayaw akong lubayan saan man ako pumunta. Ang kabiguan ay bahagi rin ng ating buhay hanggang nanatili tayo rito sa mundo kaakibat na ang ibat’ibang suliranin na susubok sa ating pagkatao. Kaya hindi ito nararapat na takbuhan bagkus matuto tayong harapin ang bawat pagsubok  sapagkat sa bawat pagkakamali hatid naman nito ang isang aral na magpapabago sa atin  at magdudulot ng kapayapaan sa ating mga kalooban.

                      Hindi pa tapos ang ating pakikibaka, hanggat may hininga pa tayo patuloy pa rin tayong makararanas ng mga tinik sa ating lalamunan. Huwag tayong matakot sa hapdi na dulot nito sapagkat hindi mahihilom ang sugat na iyan kung bigla na lamang tayo mawawalan ng pag-asa. May lunas na nakalaan para mapawi ang lahat ng kabiguan na nararanasan .At ang  magsisilbing gamot ay ang ating katatagan sa pagharap sa lahat ng sakit dulot ng kabiguan. kapag napagtagumpayan ito, masisilayan mo ang  sinasabing hiwaga ng buhay.

Pebrero 11, 2008 Ipinaskil ni botchong | Uncategorized | | Mga Puna