Botchong’s Weblog

Just another WordPress.com weblog

MANLOLOKO: Babae o Lalake?

                     Sino nga ba manloloko? babae ba o lalake? Ito ang madalas na  naaabutan ko kapag ako ay pumapasok sa chat rum.Laging pinagtatalunan at pinag-aawayan ang usaping ito. Minsan ang mainitang pagpapaliwanagan ay nauuwi sa personalan sa magkabilang panig. Sayang nga lamang at sa chat rum lamang sila nag-uusap. Ano kaya kung magkikita ang mga nagtatalo at maghaharap, malamang may bumulagta ng wala sa oras.
                      Ang isyu na ito matagal nang pinagtatalunan pero hanggang ngayon mainit pa ring pinag-uusapan, mas mainit pa sa expose ni Lozada laban sa ZTE scandal.Iyang ma-anomalyang project  na yan ngayon lang naman napag-uusapan, pero ang isyu tungkol sa kung sino ba ang manloloko, babae ba o lalake ay panahon pa ng kanunununuan natin at hanggang ngayon patuloy pa ring pinagtatalunan. Marahil hangga’t may babae at lalake sa mundo hindi matutuldukan yan.
                     Maraming nagsasabi na ang mga lalake ay manloloko pero imposibleng wala ring gumagawa nito sa panig ng mga kababaihan. Ang babae kapag niloko ng lalake buong baryo nakakaalam kulang na lang ipamalita sa buong mundo at ipangalandakan ang ginawa sa kanila ng lalake. Baka yan ang dahilan kung bakit sa isyu ng panloloko laging napuputukan ang mga kalalakihan. Sa part kasi ng lalake kapag sila naman ang niloko karamihan sa kanila ay tumatahimik na lamang at hindi nagsasalita dahil kapag nagsalita sila laban sa babae iba  nga naman ang iisipin ng iba.
                    Bukas ang opinyon na ito para sa iba. Pero sa akin kahit sino pwede manloko wala sa kasarian yan kundi nasa katangian yan Ok? Paalala lang huwag kayong  manloko matakot kayo sa karma.
                 Sa mga nakabasa nito bago kayo umalis bigay kayo ng komento ninyo rito. Let your voice be heard.

Pebrero 25, 2008 Posted by | Uncategorized | 23 mga puna

Matapang Ako Walang AangaL

                       “ Sige nga kung matapang ka hawakan mo nga ilong niya, Duwag ka naman pala,”

                        “ Anong duwag, siya kaya muna mauna”.

                

               Natatawa ako kapag naalala ko ang mga katagang ito. Bumabalik tuloy sa aking alaala ang kalokohan ko noong ako ay bata pa lamang, isa rin kasi ako sa  mga  nambubuyo kapag may nag aaway. Sarap kasi panoorin kapag may nagsusuntukan hihintayin mo kung sino ang matibay sa dalawa. Kung sino ang hindi bumabagsak ‘yun ang mas matapang sa kanilang dalawa. Ang iba naman  kahit malaki ang kalaban nila  pipiltin nilang mag tapang –  tapangan  para hindi masabihan na duwag. Kahit alam nilang wala silang kalaban- laban,  susugod pa rin sila dahil kung hindi walang katapusang  kantyaw ang kanilang matatanggap. Baka nga bansagan  pa silang duwag o sabihan ng  bakla.Hihintayin na lang  nila  na may umawat  para matapos ang shooting nila. At ang ending, pareho silang katawa- tawang tignan dahil sa mga sugat na kanilang tinamo. Ang mga bata nga naman….

                Ang mga karanasan na iyan ang dahilan marahil kung bakit nakatanim na sa isipan ng marami lalo na sa mga kalalakihan na ang katapangan ay nasusukat lamang kung gaano kalakas ang kanilang kamao.Matapang ka na kapag marami kang napabagsak. Para sa iba, dagdag sa pagka-lalake ang dami ng bilang nang napatumba nila. Sa mga kabataan ngayon para masabihang matapang at hindi duwag, sumasali sila sa mga samahan ng siga sa kanilang lugar.Ang tanong, sa ganyang paraan ba nasusukat ang katapangan ng isang tao? Ang mga matatanda nga naman…

                Ang katapangan ay hindi pang gender na issue.This is not only exclusive para sa mga kalalakihan.Kahit sino pwedeng ipakita ang kanilang katapangan  kahit sa mga kababaihan or even sa mga third sex. Habang lumalaki tayo nararapat lamang na lumawak ang ating kaisipan lalo na sa mga bagay na may kaugnayan sa ating sarili. At isa na rito ang pagkakaunawa natin sa salitang katapangan.  Sa mga bata, ang pagiging matapang ay pinapakita sa pisikal na deskripsyon nito. Ngunit sa ating mga matatanda kasama na ang mga umuusbong na kabataan ngayon, hindi dapat manatili sa  isipan na ang sukatan ng katapangan ay nasa pisikal na lakas.Kung noong  bata tayo kamao ang sukatan ng katapangan, ngayon ang lakas ng pag-iisip na kontrolin ang anumang galit na namumuo sa dibdib , ang tamang pagharap sa responsibilidad, at kung pano ka manindigan sa iyong paniniwala lalo na sa pagsisiwalat ng katotohanan ang siyang  tunay na kahulugan ng katapangan“. 

             

Pebrero 19, 2008 Posted by | Uncategorized | 10 mga puna

POSER, POSER… PAANO KA NAGAWA?

       

  

                 Marami na talagang nagkalat na peke sa mundo. Para silang mga kabuteng bigla na lang sumulpot kung saan-saan. Hindi na mapigilan ang pagdami ng lahi nila.Ewan ko ba, kahit anong gawin patuloy silang dumarami . Kahit ang ating pamahalaan hindi magawang lipulin ang mga peke na iyan. Sandali nga… baka naman pati mga taong gobyerno fake  na rin lalo na yung mga nanalo raw sa ibat ibang posisyon sa pamahalaan.Totoo bang nanalo kayo o sa dagdag boto?. Nakatatakot tuloy  baka hindi natin namamalayan  hindi na pala tao at galing  yata sa ibang planeta ang namumuno sa atin.

               Hay ! ang buhay nga naman, imagine dati mga bagay at kagamitan lang ang pwedeng gawan ng paraan ng mga magikero. Kapag kailangan mo ng mga dokumento like birth certificate, passport o kahit personal na ID punta ka lang sa Recto sa lungsod ng Maynila, hindi pa nag-iinit ang puwet mo sa kinauupuan mo nasa harap mo na yung kailangan mo kaya nga magic eh. Kapag kasuotan naman ang pinag-usapan, dami ring pekeng kumakalat kahit maraming nakakaalam na imitation lang yan o kaya galing  sa Divisoria .Ilalaban pa nila nang patayan at ipangangalandakan nila na  original at sa shopping mall nabili yan para masabi lang na they’re rich and hard to reach.

              At heto ang masaklap at malupit talaga. Dahil usong-uso na ang internet ngayon, dumarami rin ang bilang ng mga tinatawag na POSER. Sa lingwahe ng mga adictus sa internet, sila yung mga alien este mga tao na gumagamit ng ibang picture na hindi naman sa kanila.Laganap sila sa friendster, myspace at pati na rin sa chat para gamiting pang-akit sa mga natitipuhan nilang biktimahin. Hindi mo tuloy alam kung bakit ayaw nila magpakilala, kasehodang panget sila o baka naman sila ay nagmula pa sa bundok tralala o baka totoo ngang may U.F.O  kaya ayaw magpakita baka kasi tumayo lahat ng buhok natin sa katawan pag naaninag sila.( takot ako!!!) Nakatatawang isipin na  maraming nabibiktima rito, at take note ah marami akong kilala sa chat rum na nakikipag mabutihan sa mga taong naging basehan lamang ay ang picture. Mahilig kasi sa maganda at gwapo hayun  huli na  nang malaman nilang  poser lang pala iyon, (aruyyy!!!). Hayan e-engot-engot kasi, ano ngayon ang napala mo?  Nagpahuli ka sa matatamis na dila at inakala mo na sila yung  nasa picture na yun. Pinagmayabang mo pa sa mga friends mo na  naka jackpot ka  ng ginto yun pala tanso nakuha mo.

                   Ang tuwa mo  napalitan ng ngawa. Sa susunod kasi huwag basta ibigay ang lubos na pagtitiwala lalong – lalo na sa mga taong nakilala mo lang sa internet. Ilagay mo yan sa kamote mo este  kukote pala, lalo na sa mga teenagers na nakababasa nito na  huwag makipag mabutihan o pumasok sa isang relasyon dahil lamang sa nasilaw  sa kabigha -bighaning picture na ninakaw lamang pala nila sa iba.Higit pa ring mainam na maging matalino bago pumasok sa isang bagay lalo na’t hindi ka sigurado upang hindi mabiktima ng mga poser.

               Sa inyo namang mga poser, wala ba kayong mukha at tinatago ninyo ang sarili ninyong identity? Hindi naman kayo nagmula sa pre-historic era o kaya galing sa galaxy  para hindi iladlad ang pagmumukha ninyo sa mga nakakausap ninyo. Sa madaking salita, huwag na kayong gumamit ng mga picture na hindi naman sa inyo. Alam ninyo sa totoo lang ,hindi naman lahat sa panlabas tumitingin. Mas marami pa rin ang mga taong naniniwala na mas mahalaga ang panloob na katangian kaysa sa panlabas na katauhan ng isang tao.Wala kayong mapapala sa sarili ninyo kung patuloy ninyong ginagawa ang pagnanakaw ng ibang katauhan. Lalo lamang ninyo pinapababa ang natitirang respeto sa inyong sarili.Wala kayong ibang niloloko kundi ang mga sarili ninyo. Pwede ba, tigilan na ang pamimirata ng ibang picture upang sa bandang huli matapos na ang walang katapusang tanong na patuloy na lumalaganap sa  daigdig ng internet  na nagsasabing; POSER, POSER… PAANO KA NAGAWA?

Pebrero 17, 2008 Posted by | Uncategorized | 7 mga puna

LOVE… AYAW KO NA

          

                             Darating ang isang tao na magpapakita ng concern sa iyo. Sa umpisa mag ti- text ng mga love quotes, o kaya mga nakaka – kilig na message na kikiliti sa iyo.Tuwang-tuwa ka naman kaya nga kahit maubusan ka ng load hindi deal sa iyo yun. Para sa iyo kahit pudpud na ang mga daliri mo sa kaka text ok lang ang mahalaga nagkakaintindihan kayo.Lahat ng mga messages na natatanggap mo sa kanya naka save lahat yun para maya-maya uulit- ulitin mong basahin. Bongga naman  kasi ang entance ni kupido na nagsisilbing i-witness sa inyong pag-iibigan. Ang love nga naman, kapag pumasok sa puso ninuman hahamakin ang lahat kahit maubusan ng load.                                                  
        
             Habang tumatagal mukhang nagbago na yata ang ihip ng hangin, naubusan  na ng charm at  naging maasim na ang sweet mo. Ngayon para kang asong tahol nang tahol sa kasasabi na tawagan ka man lamang. Gasgas na daliri mo sa kaka text, ubos na ang load mo ni isang hi or hello wala kang natatanggap, Hindi mo alam kung gumagalaw pa ba yun.  Pag tinatawagan mo may sumasagot nga kaso  the number you dial is out of coverage area ang naririnig mo,  hanep ang lufet talaga ng mahal mo.                                                                                 
             Totoo ang kasabihang expect the unexpected lalo na  kapag relationship ang pinag uusapan. Kasi kapag nagmahal tayo inaakala natin na pang matagalan  na ‘yon, hindi natin pinaghahandaan na maaaring sa wala rin mapunta ang pakikipag relasyon natin. O, huminga ka muna siguro kailangan mong uminom ng isang basong tubig seryoso na kasi itong pinag uusapan natin.Bigla kasing umasim ang mukha mo at ngayon nagmumukmok ka  sa isang tabi. Ganyan talaga  friends, minsan may darating sa buhay natin na iisipin natin na happy  ending na ang  storya , pero hindi pala. Papasok lang sila panandalian lamang para patikimin tayo o kaya enter lang sila sa puso mo para mag- iwan ng sakit sa atin, aray ko… tinamaan ata ako dun ah..           
              Masakit marinig ang mga salitang  gud bye, friends na lang tayo, o kaya no hurt feelings, lalo na sa taong minsan na ring nagpasaya , minahal at naging bahagi ng buhay mo. Madali lang masabi ang lahat ng iyon ngunit ang mahirap ay kung paano matangap ang katotohanang ayaw na niya sa iyo dahil may iba nang nagpapaligaya sa kanya. But that is not the end of everything. Kahit nasaktan ka kailangan mong mag move on dahil hindi naman umiikot ang mundo mo dahil lamang sa kanya.                       
             Huwag kang matakot na  muling mag magmahal. Remember na kapag may nawawala, may dumarating at  mas karapat- dapat pa kaysa sa mga nauna.Kapag muling pinana ulit ni kupido ang puso mo, ihanda mo na ang sarili mo na masaktan, huwag kang matakot dahil walang nagmamahal na hindi nakararanas ng sakit at kabiguan. Tandaan mo na sa bawat sakit na iniwan sa iyo, ang positibong bunga ng lahat ng iyan ay katatagan mong harapin ang anumang sitwasyong bumabagabag at nagpapagulo sa iyo. Lalo mong nakikita ang tunay na mukha ng pag-ibig sa bawat kabiguan na nararanasan. Huwag mong pigilan ang sarili mo na magmahal hanggang hindi dumarating ang taong nakalaan at magmamahal nang tapat sa iyo.            

Pebrero 16, 2008 Posted by | Uncategorized | | 16 mga puna

Sana Tulad Mo Umiyak Rin Ako

             Isa akong aborted child, hindi ako nabigyan ng pagkakataon na buhayin ng aking mga magulang. Hindi ko lubos maisip na mismo ang aking sariling magulang  ang siyang papatay sa akin. Wala akong alam na ginawang pagkakasala sa kanila. Kung ako ang naging resulta ng kanilang pagkakamali  bakit kailangang ako ang sisihin at magbayad sa isang bagay na wala naman akong kinalaman. Sabi nila ako raw ay bunga ng pagkakasala at hindi nila kagustuhan ang maisilang ako, oo naiintindihan ko ang kalagayan nila ngunit  hindi naayon ang pagkaitan ako ng karapatang mabuhay. Noong pinag-iisipan pa lamang na ako ay ipalaglag, nararamdaman ko  na ang takot at pangamba kahit nasa loob pa lamang ako ng sinapupunan ng aking ina.Kung magagawa ko lamang na magsalita sa mga panahong iyon at ibulong sa kanila  “ Inay, Itay…  huwag ninyo akong patayin, maawa po kayo sa akin , anak n’yo ako.!”, ngunit huli na ang lahat. Nagpupumiglas ako, pinipilit kong lumaban sa mga kamay ng mga taong kinasangkapan ng aking mga magulang para patayin ako  ngunit  sa huli nanaig pa rin ang balak nila sa akin, gumuho ang pangarap ko na masilayan ang kagandahan ng mundo. Hindi ako binigyan ng pagkakataon na maisilang. Inay, itay, kung alam lamang po ninyo ang kasabikan kong makita at mayakap kayo.
                 Isa lamang ako sa milyon-milyong sanggol na hindi pinalad na maisilang dahil sa kasakiman ng aming mga magulang. Nakababahala na ang pagdami ng bilang ng mga katulad ko.Ang panawagan ko sana ay pakinggan ng lahat, huwag naman sana ninyong ipagkait ang karapatan naming mabuhay sa mundo. Mahalin ninyo kami, kami ang karugtong ng inyong buhay. Ngayon nakaririnig na naman ako ng pag-iyak buhat sa isang sanggol. Maligaya ako sa iyong pagsilang, napakapalad  mo kasi kahit hindi mo pa nasisilayan ang liwanag ng mundo minahal ka na ng iyong mga magulang Matapos ang siyam na buwan sa sinapupunan ng iyong ina, heto ka ngayon naririnig ang iyong pag-iyak nagkaroon na rin ng kaganapan ang iyong pagiging tao. Kunsabagay, nasa loob  pa lamang tayo ng tiyan ng ating ina, may pintig na tayo. Mayroon ng nagsisilbing binhi ng buhay na nakalaan para sa atin. Ngunit hindi lahat ng binhi ay nabibigyan ng pagkakataon na mabuhay at lumago. Alam mo noong  nasa sinapupunan ako ng aking ina, marami akong pangarap para sa kanila. Sinasambit ko na kapag nailuwal na ako ng aking ina mamahalin ko sila nang higit pa sa buhay ko. Pero hindi pala mangyayari ang lahat ng iyon, ang pangarap na iyon ay naging isang masamang bangungot para sa akin.Naririnig ko ang  pag-iyak mo, Iyan kasi ang unang bukambibig  ng  bawat sanggol pagkatapos mailuwal buhat sa sinapupunan ng kanyang ina.  Sana tulad mo, naranasan ko rin kung paano umiyak.
  

Pebrero 14, 2008 Posted by | Uncategorized | 16 mga puna

Mga Kuwento Sa Loob Ng Chat Rum…

            

                 Iba na talaga ang generation ngayon masyadong moderno  marahil ito ang epekto ng  makabagong siyensa sa buong mundo. Pansinin ninyo dati rati’y mga kagamitan lang ang high tech, ngayon pati ang paraan ng pakikipagsalamuha ng tao ay masyado ng social at  class. Usong-uso na ngayon ang internet para makakilala ng mga bagong friends. Kapag hindi ka sumunod sa trend ngayon para kang naliligaw at iisipin mo na ikaw ay nasa out of this world. Kung dati rati  masyado tayong konserbatibo sa pagkilatis sa katauhan ng mga taong nakasasalamuha natin, ngayon sa isang pikit lang at pagdilat mo ayos na as in super close friend na agad kayo kahit hindi mo pa nga nakikita ng personal ang taong iyon. Siguro napapangiti ka ngayon habang binabasa mo ito, nakaka relate ka ba?  Kung sa bagay, hindi lang bata o teenagers ang naadik ngayon sa pag cha- chat, mismong mga matatanda lalo na yung mga walang asawa na malapit ng malipasan ng panahon at ginagamit ang internet sa paghahanap ng mapapangasawa na foreigner para instant millionaire na sila( kasama ba ako dun? Hehehehe!!!) Sawa na kasi sila sa hirap at  para sa kanila ang makapangasawa ng dayuhan ang siyang mag- aangat sa kanilang pamumuhay. (talaga lang ha?) Ang galing di ba mga friends? Ano kayang hiwaga mayroon ang chat rum at halos lahat ay nagsasayang ng pera at panahon dito. Mabuti pa kaya silipin natin ang ibat ibang katauhan para malaman natin ang kanilang mga kuwento sa likod ng chat rum.
      
                 EMO LASLAS –    Pamilyar ba ang name sa inyo? Alam kong kilala ninyo  itong si   Emo Laslas, alyas Lonely girl/boy, I’m alone, Emotera/ Emotero, Emo Dark side atbp. Dami niya kasing code name na ginagamit eh, anyway, itong si Emo Laslas agaw eksena ang taong ito sa chat rum, gamitin ba namang picture ang kamay na may laslas na pulso. Teka nga, props lang niya yata iyon para mapansin siya pero sa totoong buhay hindi naman niya magawa na maglaslas, kagat nga ng langgam iniiyakan niya maglaslas pa. Nakakaloka di ba ? Kung drama sa buhay ang pag-uusapan, walang tatalo dito kay Emo Laslas, kahit itapat pa ang kuwento niya kay Marimar at Sergio, siguradong taob sila sa ratings. Ewan ko ba rito kay Emo, feeling niya yata siya lang ang tao  sa mundo at wala nang bibigat pa sa problema niya kaya walang ginawa sa chat rum kung hindi umiyak nang umiyak kahit hindi naman nakikita ang luha. Kausapin mo kung bakit sila nagkakaganun, wala silang bukambibig kundi magpapakamatay sila para matapos na ang lahat ( kailan kaya? ang tagal naman)  ang buhay nga naman parang life di ba mga kapuso at kapamilya?
                        Favorite Color:  Black/ Red
                                     Motto:    Pasan Ko ang Daigdig
              ASTIG-  also known as gangster, Tbs, Tst, blood, Tau Gauma etc.  Kung tapang lang ang pag- uusapan, anong panama ni  Robin Padilla kay Astig? Baka hipan lang niya siya Robin tutumba na, sa lakas ng hangin na taglay ni Astig,  nayayanig buong chat rum. Itong si Astig walang ginawa kundi  ipamukha at gawing kasangkapan ang fraternity o gang na kinabibilangan niya para matakot sa kanya ang ibang mga chatters. ( kaya nga astig eh )  sandali,hanggang saan ba ang tapang mo?  baka naman hanggang chat ka lang mahilig ka kasing maghamon ng away kahit alam mong walang papatol sa iyo kasi chat rum lang ito. Ikaw talaga Astig, tsk tsk tsk… ang tapang nilalagay sa lugar hindi sa chat rum. Kung talagang matapang ka, bakit hindi ka pumunta sa  Mindanao para doon mo ilabas ang tapang mo. Ang gobyerno ay nangangailangan ng mga matatapang na tulad mo para pulbusin na ang mga Abu Sayaf  baka ikaw lang ang hinihintay nila. Ayaw mo ba nun, makikilala ka at mailalagay ang pangalan mo sa mga pahayagan , sikat ka pa.
                      Favorite Color :  Red
                      Favorite Song:    Di ako Bakla
                                    Motto:    Sugod Mga Kapatid !!!
                FIX ME-  Si Fix Me ay isa ring personalidad sa chat rum. Minsan  mababasa mo sa name niya broken hearted, siya yung pumapasok sa chat rum para makalimot sa kabiguang nangyari sa kanya. Naghahanap siya ng mga bagong kaibigan at kung susuwertihin siya baka dun niya makita ang mag kukumpuni ng kanyang pusong sawi ( aray ko !!!)  si Fix Me ang kinaawaan sa chat rum  lagi kasing niloloko ng bf/gf niya, hayan kasi mabilis magtiwala anong napala? ( sama ko sinisi pa hehehe!!!).
                         Favorite Icon:   Heart
                        Favorite song:  Fixing a Broken Heart
                 PAT  AWA-   Si    Pat Awa ang siyang entertainer sa chat rum, nagbibigay ng aliw sa mga taong nalulumbay. Kahit magmukhang baliw ( baka nga?) mapasaya lang ang iba. Itong si  Pat   Awa lagi yatang naka high kung anu- anong kinukwento kahit hindi nakatatawa. Pinagtitiisan na lang  na makinig sa kanya dahil sa nakakaawa naman  baka mapagkamalang nasisiraan na ng bait. Kahit lumang  jokes na nabaon na ng panahon at matagal nang  nailibing pinipilit pa rin niyang  buhayin. Pero in fairness ha ok nga  siya huwag lang masosobrahan kasi nagiging oa na ang dating niya sa iba. Minsan ginagamit niya ang pagpapatawa para mabighani ang mga chika babes / chik boi  sa kanya, mabighani naman ba o baka magulat at matawa sa pagmumukha mo Pat Awa  kapag nakita ka ng personal?
                      Favorite TV Show: Bitoy’s Funniest Home Video
                      Favorite Actor: Michael V.
                  ADAN AT EVA –    Bago kayo magi -isip ng kung anu-ano, hindi sila ang  mga karakter sa bibliya ah, si Eva at Adan na tinutukoy ko ang mga lovers sa chat rum.Nagkakilala sa chat at ang madalas na pag -uusap ang naging daan para masolo nila ang chat rum na tinatawag nilang paraiso. Wala silang pakialam sa iba, para sa kanila ang chat rum ay umiikot lamang sa kanilang dalawa na ang tanging saksi  sa kanilang pag iibigan ay ang araw at buwan ( kailan ba nagkaroon nga araw at buwan sa chat rum?) wala silang bukambibig kundi mahal ko, honey, bhe ko, sweetheart, hayaan na nga lang natin sila hanggang chat lang naman ang mga yan, pero sa totoo naglolokohan lang ang mga iyan dahil sa totoong buhay may mga bf/gf na mga iyan. Eva at Adan ipagpatuloy lang ninyo yang ginagawa ninyo huwag lang kayo pahuhuli kundi  yari kayo.(hahahaha!!!)  
                            Favorite TV show: My only Love
                            Theme Song:           Paraiso  
                            Favorite Place:     Internet cafe
               DES PERADA –    Grabe naman ang isang ito, dahil lahat gagawin makahabol lamang sa huling biyahe.Paano naman kasi lahat ng  mga kaibigan niya nakapag asawa na at siya ay nilulumot na ng panahon. Kaya nga kapit na sa patalim ang taong ito, laging laman ng  internet baka sa pagkakataong ito makabingwit na siya. Naiingit siya sa isa niyang kaibigan dahil daig pa ang nanalo sa lotto,  bukod kasi sa nakapag asawa na at take note ah hindi basta- basta, mayaman  na stateside pa ( amoy snow ba o amoy lupa na rin?) Kaya nga itong si Des Perada laging laman ng internet café, siya na ang opening siya pa rin ang closing. Grabe ha di ko na ma take ito…
                           Favorite Movie:  Desperada
                          Motto:                  Try and try until you succeed.
                          Favorite Song:   Kahit Maputi na ang Buhok Ko
                FIL CO –    Siya si Feel este Fil pala,kilala sa maraming bansag tulad ng cute, lovely, pogi, sweety pie, gwaping, japorms at kung anu-ano pa. Maraming Fil Co sa chat rum. Feeling kasi nila sila lang pinakamaganda at pinaka gwapo sa chat dahil simula nung bata pa sila iyon ang sinasabi ng nanay at tatay nila, oppss… huwag nang humirit pa sabi ng magulang nila iyon. Anyway, feeling star sila sa rum kaya maraming naiinis sa kanila lalo na yung mga walang mukha ( ngek tao  ba yun?) Dahil sa angkin nilang taglay  kaya mabentang mabenta sila sa chat rum, feeling nila sila sina Mariane Rivera at Richard Gutierrez na hinahabol –habol. Hanep artistahin na. Totoo ba naman ang mga picture na gamit ninyo? Baka naman ninakaw ninyo lang yan. Kunsabagay lahat nga nagagaya na rin picture pa kaya. Ikaw  FIL CO ka rin ba?
                          Favorite Book:    Si Malakas At si Maganda
                          Favorite Movie:  Beauty and The Beast
                          Motto:                 Beauty is the best policy.
                O ano mga friends, naka relate ba kayo sa kanila? Kunsabagay habang ginagawa ko rin ito, natatawa rin ako sa sarili ko, kasi katulad ninyo mahilig din ako mag chat, kaya pati tuloy ako nag-iisip na rin baka katulad ako ng isa sa kanila.  Nakakatawa di ba? Noong una ang akala ko ang pag cha- chat ay pampalipas oras lamang ngunit sa bawat sandali pala na pag stay sa chat rum hindi natin namamalayan na  marami na palang nangyayari. Bawat isa na nakasasalamuha natin sa chat ay may mga katauhang pinapakita at sa likod ng pagkatao na iyon nakatago ang mga kuwento ng kani- kanilang  sariling buhay.

Pebrero 12, 2008 Posted by | Uncategorized | | 28 mga puna

Musmos na Tinig

                     

                           Hindi namin ninais na mabuhay. Hindi namin hinangad na mapabilang dito sa daigdig. Nagising na lamang kami isang araw  na  kabahagi na ng mundong pareho nating  ginagalawan. Wala kaming karapatan na mamili kung saan at anong uri ng pamilya ang gusto naming mapuntahan. Para sa amin isang malaking kaganapan ang mabigyan ng pagkakataon na maisilang, mabigyan ng pangalan at maging isang ganap na tao tulad ninyo.

               

                        Sa mundong ginagalawan, kami ang tunay na nagiging biktima nang pang aabuso ng nakararami. Kami ang madalas na nasasaktan at naaapektuhan sa mga kaganapang  kailanman ay hindi namin hinangad na maranasan dahil sa aming kawalan ng kamalayan. Wala kaming kaalam- alam sa mga kaguluhang nangyayari sa ating kapaligiran ngunit bakit kami ang dapat na magbayad at pumasan sa mga kasalanang hndi naman kami ang gumawa. Masyadong malalim na ang sugat na idinulot nito sa aming pagkatao. Manhid na ang aming mga katawan  sa napakaraming  hagupit ng karahasan na patuloy na dumadampi sa aming mga kaisipan. Ngunit patuloy kayong nagbubulag-bulagan at nagbibingi-bingihan sa tunay na kalagayan ng mga munting nilalang ng daigdig.

            Subukan ninyong idilat ang inyong mga mata. Hindi man kaaya-aya sa inyong paningin na makita kaming  umaakyat sa mga pamapasaherong sasakyan para mamalimos,  magbenta ng mga basahan, sampagita , diyaryo , at makipag patintero sa mga dumaraang sasakyan na maaaring magdulot sa amin ng kapahamakan at maging mitsa  ng aming buhay.  Ngunit kailangan naming gawin ito dahil tulad ninyo, kami rin ay nangangailangan ng pagkain para mabuhay. Tinitiis namin ang mabahong amoy ng mga basura para makahanap nang mapakikinabangan at mapagkakakitaan kahit alam namin na ito ay lubhang mapanganib sa aming kalusugan.Mas nanaisin pa naming magbabad sa nakasusukang mala bundok na basura kaysa sa mamatay na dilat ang aming mga mata sanhi ng kagutuman at kahirapan. Takot ang aming nararamdaman at minsan sakit sa katawan ang aming nararanasan sa mga taong ginagawa kaming kasangkapan para  sila’y kumita. Sa bawat hampas ng sinturon, sa bawat malalakas na suntok na dumadapo sa aming katawan, ano ba ang laban ng mga munting paslit sa mga malalakas na nilalang na tulad ninyo. Hindi namin pinangarap na maranasan ang lahat ng ito, subalit huwag ninyong ikaila na kayo ang dahilan kung bakit kami ay nasasadlak sa ganitong uri ng pamumuhay.Kami ang tunay na biktima ng lahat ng karahasan na itinanim ninyo sa daigdig.

             Kami man ay maituturing na mga munting nilalang sa daigdig,  mahina sa paningin ng nakararami ngunit hindi batayan ito upang kami ay pagkaitan ng karapatan na naayon para sa amin.Hindi dapat abusuhin bagkus dapat ay bigyan ng kalayaang makapamuhay nang wasto at iparamdam na kami rin ay kabahagi at kabilang sa iisang mundong ating kinabibilangan. Musmos man kami ngunit sa pinagsama sama naming tinig kaya naming panibaguhin ang mundo kung matututo lamang ang bawat isa na makinig sa aming mga hinanaing. Kailan kaya muling ngingiti at maririnig ang masasayang awit ng mga bata sa isang mundong pinapangarap ng lahat?Kailan mababanaag ang tunay na pantay- pantay na karapatan lalot higit sa mga musmos na nilalang?.Kung matututo lamang kayong makinig sa amin, kung mabibigyan lamang ng pansin ang aming hinanaing… sa aming mga musmos na tinig magkakaroon ng kaganapan ang lahat.              

Pebrero 11, 2008 Posted by | Uncategorized | 4 mga puna

Awit ng Isang Ina…

 

       ” Ang awit ng isang ina ay hindi magiging ganap na musika kung hindi tayo sasabay sa kanilang himig”.

                      Simulan mong pakinggan ang kaibuturan ng iyong puso.May naririnig ka ba? Bigyang laya ang bawat pagtibok nito at maririnig ang malamyos na himig na may kaugnayan sa ating pagkatao.Isang awit na punong- puno ng pag-ibig na nagmumula…SA AWIT NG ISANG INA. May lambing, banayad at tigib nang makukulay na pangarap ng isang ina para sa kanyang anak na tinatangi.Bawat himig ay mayroong kurot sa damdamin na sumasalamin sa buhay at pag-ibig ng isang ina.Damhin mo ang bawat kataga mg kanilang awitin. Isaisip, isapuso at kung maaari ay sumabay sa kanilang himig sapagkat ito’y hindi magiging ganap na musika kung hindi makikiisa sa kanila. Ililipad ka ng kanilang awitin sa iyong pangarap at ipapakita sa iyo ang tunay kagandahan ng buhay. Ang awit ng isang ina ay sumasabay sa agos ng buhay. Panahon ng kasiyahan, kalungkutan at kabiguan. Magkaiba man ng panahon, ito’y hindi nangangahulugan upang sila ay tumigil sa pag-awit.Sila’y magpapatuloy sapagkat ang lahat ng iyan ay bahagi ng mga titik ng kanilang awitin. Ngunit sa likod nito nakatago ang takot at pangamba ng isang ina.Kapag humiwalay sa himig ng kanilang awitin, ito’y nagiging ingay sa pandinig na magiging dahilan upang malihis at maligaw ang anak.sa panahon ng pagdadalamhati patuloy na maririnig ang awit saan mang dako. Hindi titigil upang muling marinig nang napahiwalay na anak ang kanyang himig at dala ang panalangin na sanay muling sumabay sa AWIT NG ISANG INA…

            

     

Pebrero 11, 2008 Posted by | Uncategorized | 6 mga puna

Manunulat at Buhay

                  Nagsisimula na naman akong magsulat. Maraming mga bagay na pumapasok sa aking isipan ngunit katulad ng mga nauna kong karanasan, di ko alam kung paano at saan magsisimula.Kapag naumpisahan bigla na lamang malilihis ang pansin sa ibang bagay na wala naming kaugnayan sa isinusulat o sa mensahe na nais maiparating sa mga mambabasa. Hihinto na naman at muling paliliparin ang diwa upang makakuha nang angkop sa ginagawa.May mga pangyayari na kahit isang titik ay hindi magawang maisulat dahilan sa kawalan ng ideya. Minsan kapag ganado sa pagsulat bigla na lamang matitigil dahil sa samu’t saring ingay na naririnig. Kasama ang pangungulit ng mga tao sa paligid, biglaang tunog ng “cellphone’’, tawag ng kapitbahay para humingi lamang ng asin o asukal. Ngunit ang masaklap nito maraming hindi interesadong magbasa ng iyong sinulat. Di mo alam kung hindi marunong magbasa o tinatamad basahin lalo na kapag napakahaba, pipintasan pa ang naisulat mo. Nakatatawa di ba? pero bahagi at kasama ito nang mga mahihilig magsulat tulad ko.

                Marahil nagtataka ang iba kung bakit pinag aaksayahan ng oras ang pagsusulat. Noong una hindi ko alam na biniyayaan ako ng ganitong uri ng talento. Di ko naman hilig ito.Bigla na lamang nagising isang araw na nakaupo hawak ang papel at lapis at nagsisimulang isulat ang aking mga nasasaloobin. Buti nga ngayon may “computer” na, dati napakaraming papel ang nauubos sa isang artikulo lamang . Noong una tinatanong ko rin ang sarili kung ano ba mapapalala sa kasusulat.Hindi mo pala malalamn ang sagot sa tanong hanggat hindi mo sisimulang pumasok sa mundo ng manunulat.                 Ang pagsusulat ay hindi maaaring ihiwalay sa buhay ng isang tao. Sapagkat lahat ay manunulat sa sarili nilang karanasan.Tulad ng lahat ng mga nababasa ninyo, ito ay mayroong simula at wakas.Ang buhay ng tao ay mayroon ding simula at hangganan. Kung paano sinisimulan at winawakasan ng may akda ang kanyang panulat, ganun din ang bawat tao. Sinisimulan niyang tuklasin ang kanyang pagkatao sa pamamagitan ng mga karanasang magpapatibay sa kanya. At ang magiging wakas nito ay nakasalalay din sa kanyang kagustuhan. Maaring maging masaya, malungkot at maaaring humantong sa kabiguan ang kahihinatnan ng wakas ng kaniyang kuwento.  Bilang manunulat, pinakikinggan niya hindi lamang kanyang saloobin maging ang damdamin ng ibang tao upang lubos niyang makita sa kanyang isipan ang kabuuan at maging makatotohanan ang kanyang isusulat. Maingat niyang pinag aaralan ang mga katagang isinusulat upang maging masarap sa panlasa ng mga mambabasa. Ang tao bagamat may sariling pananaw ukol sa mga bagay na may kinalaman sa kanya ay hindi magiging ganap ang pagkatao kung padidikta lamang sa kung ano ang sinasabi ng kanyang kalooban. Mahalagang pakinggan din ang sinasabi ng iba tungkol sa kanyang sarili upang lalo niyang masalamin ang kanyang katauhan. Maging maingat sa paggamit ng mga salita upang hindi makapanakit at humantong sa hindi magandang pagkakaunawaan.                        

               Walang pinakamahalagng nasusulat sa mundo kundi ang kaniya- kaniyang kuwento ng buhay. Mas maganda pa kaysa sa mga napapanood sa telebisyon na mga telenobela at palabas sa pelikula.At walang pinakamahusay na manunulat kundi tayong lahat. Tayong lahat na may kanya-kanyang kuwento ng buhay, tayong lahat na nagsimula sa wala, tayong lahat na nakaranas  kung paano mangapa ,matakot,maging masaya, malungkot, umiyak , at makaranas ng kabiguan sa buhay. Ang lahat ng iyan ang siyang nilalaman ng istorya ng ating buhay. Anuman ang magiging wakas nito tayo lang ang nakakaalam sapagkat tayo ang manunulat ng ating sariling kuwento ng buhay.

Pebrero 11, 2008 Posted by | Uncategorized | 5 mga puna

Damdamin Ng Magulang, PAKINGGAN

2239405468             Noong ika’y sanggol pa lamang, halos gabi- gabi kami napupuyat sa kababantay sa iyo . Kahit gusto na naming matulog dahil sa sobrang pagod sa buong maghapon, hindi namin magawa kasi maya- maya umiiyak ka. Alam mo ba anak na sa bawat pag iyak mo, ikinakalong ka namin at idinuduyan sa aming mga bisig. Walang sawa ka naming pinagmamasdan at hinahaplos ang maamo mong mukha. Ang sarap pala ng pakiramdam ng isang magulang.              

                Ngayon ikaw naman ang napupuyat sa amin. Maya- maya kasi nagigising ka kapag naririnig mo ang bawat pagtawag namin sa iyo. Pasensya ka na anak at talagang hindi na naming kayang tumayo dulot na rin marahil ng aming katandaan. Kahit bakas sa iyong mukha ang pagkainis at kahit nararamdaman namin na nandidiri ka dahil sa aming amoy , kung makakaya lamang ba namin na hindi ka na istorbuhin sa iyong pagtulog ay gagawin namin kaso sadyang mahina na talaga kami. Alam mo anak habang inaalalayan mo kami pinagmamasdan ka namin. Nakatutuwang isipin na sa paglipas ng mahabang panahon napagsumikapan ka naming palakihin at alagaan. Sana naman anak pagtiyagaan mo kaming alalayan at alagaan kahit sa maikling panahon man lamang.             

             Noong nagsisimula ka pa lamang magsalita, kahit hndi namin maintindihan ang iyong sinasabi , pinipilit naming mapakinggan ang iyong tinig kahit pautal-utal. Para sa amin walang kasing ganda ang tinig mo sa lahat, parang isang musika sa aming pandinig. Kahit paulit-ulit hindi nakasasawang pakinggan.              

              Huwag mo naman sana kaming sigawan at pagalitan dahil lamang sa pagiging maramdamin o kaya dahil sa nagiging masungit kami . Ganyan lang talaga kapag nag kakaedad na, nagiging makulit parang isang bata. Nais lang kasi namin na mapansin mo kami at kahit paano maramdaman namin na may silbi pa rin kami sa kabila ng aming katandaan.              

               Noong bata ka pa lahat ng makita mo gusto mong makuha, laruan, pagkain, damit, at ibang uri ng kagamitan . Bawat utos mo pinipilit naming ibigay para maging masaya ka lamang. Kaya nga puspusan kami sa paghahanap-buhay para mabili lahat ng iyong pangangailangan. Hindi namin iniinda ang hirap at pagod. Ganun pala kapag magulang uunahin ang pangangailangan ng anak bago ang kanyang sarili.

           

             Minsan narinig namin na nagrereklamo ka na sa mga gastusin dito sa bahay. Kung may pera lamang kami hindi na sana kami magiging pabigat sa iyo . Pagpasensyahan muna anak at pati ang pambili ng gamot ay inaasa namin sa iyo. Huwag kang mag alala at kaunting sandali na lamang ang aming itatagal rito. Kapag dumating ang araw na iyon, mabubunutan ka na rin ng tinik at hindi na kami magiging pabigat sa iyo.

           

                Natatandaan mo ba noong ikaw ay nag aaral pa, pagkagaling sa paaralan tatakbo ka sa amin para magkwento. Kahit marami kaming ginagawa humihinto kami para makinig sa iyo. Tuwang tuwa kami habang ikaw ay nagsasalaysay ng iyong mga karanasan. Alam mo anak nawawala ang pagod namin kapag nakikita kang masaya.

          

             Umaasa kami na darating ang raw na tatakbo kang muli papalapit sa amin at magsisimulang magsalaysay ng iyong mga karanasan. Bata ka pa kasi noong huli tayong mag kwentuhan. Naiintindihan naman namin dahil busy ka sa trabaho.Pero sana anak, kahit man lamang kaunting oras bigyan mo naman kami ng panahon. Sabik na sabik na kaming marinig ang mga kuwento mo. Minsan kapag nakaupo kang mag isa , gusto ka sana naming lapitan kaso kapag alam mong papalapit na kami sa iyo bigla kang umaalis . Alam mo anak hindi lang namin pinakikita sa iyo pero lubos kaming nasasaktan kapag binabalewala mo kami.

            

               Anak, malapit ng dumating ang takipsilim ng aming buhay. Sana habang may panahon pa kahit sa kahuli- hulihang sandali iparamdam mo naman sa amin na kahit paano minahal mo rin kami gaya ng pagmamahal namin sa iyo. Hayaan mo anak sa oras na sumapit ang aming kamatayan, ibubulong namin sa Poong Maykapal na ikaw ay gabayan sa lahat ng oras.

Pebrero 11, 2008 Posted by | Uncategorized | 5 mga puna